Tulad ng pag-atake ng mga vigilante at maging ng mga pulis sa kanilang anti-illegal drugs operation na karaniwang ginagawa sa gabi, madaling-araw rin na inaprubahan sa Kamara ang P900 milyong pondo ng Philippine National Police (PNP) para sa Oplan Double Barrel Reloaded.
Pasado alas-kuwatro ng madaling-araw nitong Huwebes nang mag-adjourn ang Kamara sa kanilang deliberasyon sa 2018 national budget.
Pero, bago nag-uwian ang mga kongresista ay inaprubahan nila ang budget ng Department of Interior and Local Government (DILG) na umaabot sa P170.733 billion. Ang P131.26 billion dito ay budget ng PNP at nakapaloob ang P900 milyong pondo para sa Oplan Double Barrel Reloaded.
“Blood-stained DILG budget OK’d in the dead of the night,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Kinuwestyon ng grupo ni Brosas ang nasabing pondo dahil nababahala sila na lalong dadami ang mamamatay sa giyera kontra droga dahil sa laki ng budget na gagamitin ng mga pulis.
“The PNP cannot even provide the specifics of the multi-million anti-drug program which has already claimed the lives of thousands of poor Filipinos. Bakit natin popondohan ang ganitong klase ng pagpatay sa mga mahihirap,” ayon pa kay Brosas.
