PULIS CALOOCAN BALAK NG PAGSUOTIN NG BODY CAM SA KANILANG OPERASYON


Nagbabalak ang lokal na pamahalaan ng Caloocan na bumili ng mga body cameras para magamit ng kanilang kapulisan sa mga operasyon.
Ito'y matapos ang sunod-sunod na kontrobersiyang ibinabato sa mga pulis Caloocan dahil sa pagkamatay nina Carl Angelo Arnaiz, 19, at Kian Loyd Delos Santos, 17, na pareho umanong nanlaban sa magkahiwalay na operasyon.
Hinalang sadyang pinaslang ang dalawa dahil na rin sa resulta ng forensic analysis.
Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, makikita sa body cameras kung ano talaga ang mga nangyari sa operasyon.
Inaasahang sa 2018 masisimulan ang paggamit ng mga camera.
Nagpahayag si Senior Supt. Jemar Modequillo, pinuno ng Caloocan City Police, na bukas sila sa mga suhestiyon para mas mapabuti ang serbisyo.
Binilin ni Modequillo sa kaniyang mga pulis na laging tandaan ang mga patakaran sa pagsasagawa ng operasyon upang maiwasang magkamali.
Samantala, may iba pang kaso ng mga pamamaril na naitala sa Caloocan City. 
Nabaril sa ulo si PO3 Junior Hilario Biyernes habang sinusubukang arestuhin ang isa sa mga itinuturong pumapatay sa mga sangkot umano sa ilegal na droga sa siyudad. 
Patay rin ang tinutugis na umano'y hitman na si Jason Dela Cruz at ang kasama niyang si Mark Ian Herrera sa magkahiwalay na operasyon.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News


Previous
Next Post »